Libreng almusal para sa mga elementarya, day care at preschool, isinusulong sa Kamara
|
| |
Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang pagtatatag ng programa sa Department of Education na magbibigay ng libreng almusal para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Rep. Rachel Marguerite B. del Mar (1st District, Cebu City) ang programang ito ang magiging sagot upang mabawasan kung di man tuluyang mawawala ang malnutrisyon sa bansa at bilang pagsunod na rin ng pamahalaan sa World Declaration on Nutrition and Global Plan of Action for Nutrition na sinusunod sa buong mundo base na rin sa ginanap na International Conference on Nutrition (ICN) sa Rome, Italy noong December 1992.
Sa ilalim ng House Bill 27, ang DepEd, sa pakikipagtulunagn ng Parents-Teachers Associations, ay magbibigay ng mga libreng almusal sa mga mag-aaral sa pampublikong eskwelahan at isasama ang programang ito bilang bahagi ng public education system.
Ang ihahaing almusal sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa ay dapat na naglalaman ng fortified instant noodles o iron-fortified rice o fortified biscuits o iba pang pagkain na tama at naglalaman ng kinakailangang sustansiya at makakasagot sa gutom at problema sa malnutrisyon.
Ang pondong kakailanganin sa pagpapatupad ng programang ito ay manggagaling sa taunang alokasyon ng DepEd.
Nanawagan din si Del Mar para sa agarang pagsasabatas ng panukalang ito dahil higit lalo ngayon umano na kinakailangang suportahan at bigyang pansin ng pamahalaan ang bumababang kalidad ng mga mag- aaral.
“Papaanong makakapag-aral ng maayos at maiintindihan ng mga bata ang kanilang leksiyon sa kanilang eskwela kung ang mga batang mag-aaral na ito ay pumapasok sa eskwela ng kumakalan ang sikmura at walang laman ang tiyan o walang almusal?” dagdag pa ni Del Mar.
|
| |
| |
| |
|